Para sa Isang Iskolar, si Rizal ay...
Larawan mula sa https://medium.com/@ellajanevergara/dr-jose-rizal-nationalist-or-patriot-c1d247c234e9 |
ISKOLAR NG BAYAN. Sa loob ng limang buwan kong pananatili sa Unibersidad ng Pilipinas upang mag-aral, isang katotohanan ang mistulang gumising sa natutulog kong diwa. Isang bagay na tinuro sa akin ng pamantasan na hindi ako naririto para lamang unti-unting punan ang aking mga pansariling pangarap para sa hinaharap. Ngayong nandito na 'ko, kailangan ko nang ialay ang aking buong sarili para sa bayan at para sa mga mamamayan nito. Isang lubhang mahalagang responsibilidad na di maaaring talikuran kapag nakapasok ka na!
Sa mga nagdaang buwan ng
pag-aaral ko kay Rizal, sa kanyang buhay at mga sulatin, napakaraming
realisasyon ang idinulot nito sa aking personal na buhay. At habambuhay akong
magpapasalamat sapagkat ito ang nagbigay ng rason upang lalo akong magkaroon ng
masidhing pagmamahala sa bansa gaya ng ating pambansang bayani.
LUMALABAN! Ang isang tunay na
taong may malasakit sa bayan ay hindi natatakot gaano man kataas at katibay ang
pader na kanyang babanggain. Ito ay isa sa mga hindi ko pinakamalilimutang aral
na aking natutunan mula sa buhay ni Rizal. Kapahamakan man ay lumapit sa kanya,
tahasan pa rin isinulat ang dalawang nobelang nagbukas sa mga
nagbubulag-bulagang mga mata ng kanyang mga kababayan.
MANINDIGAN SA KATOTOHANAN.
Ang tama ay tama, ang mali ay mali! Mahalagang alam ng bawat isa ang kanyang
mga karapatan, kaya kapag naaapakan na ang mga ito ay huwag dapat
magdalawang-isip na magsalita at huwag hayaang pagkaitan ka ng mga bagay na
dapat ay para sa iyo. Naniniwala si Rizal na ang Pilipinas ay para sa mga Pilipino
at walang karapatan ang mga dayuhan na saktan ang kanyang mga kababayan sa
sarili nila mismong mga tahanan. Para sa bayani, labis na ang panghihimasok ng
mga mananakop, at dapat na itong wakasan sa lalong madaling panahon. Kaya,
kahit buhay man ang naging kapalit, walang tigil na isinulong ng pambansang
bayani ang pagdepensa sa independesiya ng Pilipinas.
HUWAG KALIMUTANG MAGING TAO.
Nakamamanghang isipin na kahit abala sa pagtatanggol para sa bayan, at
nag-uumapaw man ang poot na nararamdaman para sa mga mapanupil na kastila,
nanatili si Rizal bilang isang mabait na tao. Hindi niya hinayaang lamunin at
baguhin siya ng kanyang galit na nararamdaman, bagkus nanatili siyang si Rizal
na tanyag siya ngayon –matapang ngunit marunong magmahal. Kilala man bilang isang
polimata, mahusay sa napakaraming larangan at isang matalinong nilalang, si
Rizal ay tulad din ng madami. Nakararamdam din siya ng sakit at pagkabigo
ngunit marunong bumangon sa bawat pagkakadapa.
LIDER. Nagsilbi si Jose Rizal
hindi lamang bilang tapagsimula ng rebolusyon. Isa siyang mahusay na pinuno na
dapat nating tularan. Iniisip ang kapakanan ng mas nakararami kaysa pansariling
kaligtasan. Bilang lider ng kilusang Propaganda ng mga Pilipino sa Espanya,
siya’y nagtaguyod ng maraming reporma para sa ikauunlad at paglaya ng bansa.
Tunay na walang makapipigil sa isang taong nag-aapoy ang pag-ibig sa bayang tinubuan,
marahil siya na siguro ang pinakadakilang anak na mayroon ang Pilipinas noon.
MAGING
EDUKADO. Labis ang pagpapahalaga ni Rizal hinggil sa edukasyon lalo na sa mga
kabataan. Paulit-ulit niyang isinaad sa kaniyang mga tula, akda at mga liham na
ang pagtamo ng edukasyon ay napakaimportanteng bagay para sa pansarili at gayundin
sa panlipunang kaunlaran. Ang kaniyang mataas na pagtanaw sa edukasyon bilang
isang makapangyarihang instrumento ay sinimulan niya mismo sa kaniyang sarili.
Siya’y kumuha ng iba’t ibang kurso at naglakbay sa iba’t ibang bansa upang
mangalap ng iba’t iba ring kaalaman mula rito na kaniya ring ibinahagi sa
kaniyang mamamayan lalo na sa mga kabataang nais ding matuto mula sa kaniya.
Sa loob ng maikling panahon na
pagtalakay kay Rizal sa asignaturang ‘Philippine Institution 10’, sangkatutak
na impormasyon na ang aking nabatid paano na lamang kaya kung humaba pa ang
panahong ito? Siguro, hindi na kakayanin ng memorya ko. Ngunit naniniwala naman
ako na wala ito sa dami ng nakuhang datos ukol sa bayani, ang pinag-uusapan
dito ay kung paano nito naapektuhan ang sarili mong pananaw at ideolohiya sa
lipunan –na siya talagang pinakaadhikain ng asignatura.
Comments
Post a Comment