Katamaran, ugaling likas ba kay Juan?
Larawan mula sa: https://www.amazon.co.uk/Indolence-Filipino-Jose-Rizal/dp/1545479089 |
Gamit ang pluma at papel, isang piyesa
ang linikha ni Rizal upang ipamukha sa lahat ang tunay na rason sa likod ng
sinasabing katamaran ng mga Pilipino sa panahon ng pananakop ng mga Kastila. Ang
paraan ng pagpapahayag ng kanyang mga ideya ay nasa punto at tiyak na
organisado. Maituturing itong isa sa mga obra maestro ng pambansang bayani na
naglayong ilantad ang katotohanan at walang iba kundi ang katotohanan sa panig
ng mga Pilipino.
Bigyan ng boses ang mga Indio, ito ang
pangunahing layunin ni Rizal sa pagsulat ng artikulong ito. Ipinagtanggol ng
bayani ang mga Pilipino sa di umano’y kanilang kabatuganan sa bawat gawaing
ipinagkakaloob ng mga Kastila. Nagsagawa si Rizal ng isang kritikal na
pag-aaral ng mga sanhi kung bakit ang kanyang mga kababayan ay hindi gumana
nang husto sa rehimen ng Espanya. Lumalabas sa kanyang pangunahing tesis na ang
mga Pilipino ay hindi likas na indolent at sa pamamagitan nito, nais niyang
tapusin ang mga pang-iinsulto sa mga Pilipino tungkol sa nasimulang kultura. Ninais
niyang pukawin at gisingin ang kanyang mga kababayan sa kanilang mga sariling
pagkakamali at upang kondenahin ang depekto sa pamamahala ng Espanya na siyang
nagdudulot ng mga pagkukulang sa mga Pilipino.
Tunay na hanggang ngayon ay umiiral pa
rin ang katamaran sa mga Pilipino. Tila nakatatak na nga ito sa kanilang
kultura at naging bahagi na sa buhay ng bawat Pilipino. Hindi ito maikakaila
sapagkat maging sa mga simpleng sitwasyon ay lumilitaw ito, gaya ng pag-iiwan
sa isang basura kahit kaya mo naman itong itapon sa tamang lalagyan,
pagpapabukas sa mga gawain na maaari mo namang tapusin ngayon, pag-uutos sa
ibang tao na gawin ang isang bagay kahit kaya mo naman itong gampanan ng
mag-isa, at marami pang iba. Naging likas na sa Pilipino na mangibabaw ang katamaran,
mas nais pa nilang manatili ngayon sa kanilang mga tahanan sa kadahilanang ayaw
nilang magsayang ng enerhiya. Ito na ang sistemang ating kinamulatan at patuloy
na maipapasa hangga’t walang nagnanais magmulat ng pagbabago.
Marahil wasto si Rizal sa kanyang
sinabi na bago magpanukala ng lunas para sa nabanggit na negatibong pag-uugali,
kailangan munang matagpuan ang sanhi na siyang pinag-uugatan ng lahat ng ito.
Kailan at paano nagsimula o nabuo ang ganitong uri ng mentalidad sa mga
Pilipino?
Binanggit sa artikulong ito na bago pa
man ang pagdating ng mga Kastila, ang mga Pilipino ay masigasig, masisipag at
aktibo sa larangan ng agrikultura, industriya at komersiyo. Ang pagdating ng
mga Espanyol sa bansa ay nagdulot ng takot sa mga Pilipino upang iwan at
pabayaan ang kanilang mga industriyang minana sa mga ninuno, na siyang
nagbunsod ng pagbagsak sa mga gawaing pang-ekonomiya ng Pilipinas.
Lubha akong sumasang-ayon sa puntong
ito ni Rizal sapagkat isang malinaw na pagpapakita ng kasipagan ang itinayong
Banaue Rice Terraces ng mga sinaunang Pilipino. Madaling araw pa lamang ay naghahanda
na ang mga manggagawa at mga magsasaka upang ihanda ang kanilang mga kagamitan,
at sa pagpatak ng tamang oras ay magsisimula na sila sa pagtatanim, paglilinang
ng lupa at pag-aani sa mga naunang itinanim. Ang lahat ng ito ay nasaksihan ng
mga unang Kastila na nakarating sa bansa, higit itong kapansin-pansin dahil ang
mga Pilipino noon ay may sapat na suplay ng pagkain.
Napagtanto din ni Rizal na maaaring
may kinalaman ang lagay ng panahon, sinasabing sa mga tropikal na bansa tulad
ng Pilipinas, kapag ang araw ay napakataas at kapag ito ay sobrang init, ang
mga manggagawa na nagtatrabaho sa ilalim ng ang araw ay may posibilidad na
magpahinga samantalang sa mga bansa na hindi tropiko at may apat na season,
nararapat lamang para sa kanila ang magtrabaho sa panahon ng tagsibol at
taglagas sapagkat magiging mahirap na sa mga tao ang kumilos sa labis na init
at lamig ng panahon. Mapapansin na sa kabila nito, halos pareho lamang ang
kabuuang trabaho. Bilang mga tao, likas na katangian ang umangkop sa
kapaligiran sa iba’t ibang kondisyon at samakatuwid, ang pagiging tamad sa
panahon na labis ang init ay makatwiran lamang.
Binigyang diin din ng bayani ang kakulangan
ng kooperasyon at kamalayan ng mga Pilipino sa kasalukuyang kalagayan ng bansa
at kung paano nakuha ng gobyerno ang atensyon ng mga Pilipino sa pamamagitan ng
kanilang mapanlinlang na mga pakana at walang katotohanang mga pangako na
nagresulta sa labis na pagsisisi at pagkawasak.
Ngayon, masasabi kong ang mentalidad na ito
ay marahil isang pamana ng mga Kastila na patuloy na umiiral sa kasalukuyan, at
ganap nang naging isang manipestasyon ng mga estruktural na depekto na malalim
na nakaugat sa parehong sistema ng ekonomiya at edukasyon sa bansa.
At hindi ito ang ninais ni Dr. Jose Rizal
para sa bayan at para sa mamamayan, higit na ginusto niyang makamit ang
pag-unlad sa bansa, at upang ipagpatuloy ang misyon niyang ito kailangang magsimula
ang mga Pilipino sa maliliit na hakbang at maliliit na bagay mula mismo sa kanilang
mga sarili bago pagtuunan ng pansin ang mas malaki’t mas kumplikadong larawan. Tunay na dapat maging
responsible ang mga pinoy para sa kanilang mga sariling kilos nang sa ganoon ay
maiwasan din ang mga masasamang pang-iinsulto mula sa ibang lahi, ngunit kailangan
pa ring tiyakin na ang mga pagkilos na iyon ay hindi makakasama sa sinuman at
sa halip makikinabang din maging ang bansa.
Comments
Post a Comment