Jose Rizal Bilang Ama at Asawa
Masakit ang mamatayan
ng mahal sa buhay. Ngunit, wala ng mas sasakit pa sa isang magulang na
maglibing ng sariling anak. Ito ang pinatunayan ni Jose Rizal na labis
ang paghihinagpis na sinapit nang sa hindi inaasahang pagkakataon ay nawalan ng
sana’y magiging kanyang kauna-unahang anak sa kanyang pinakamamahal na kabiyak.
Mistulang pinagsakluban ng langit at lupa ang pambansang bayani sapagkat tila
ba’y pinagkaiitan siya ng karapatang maging isang mabuting ama dahil lamang sa
isang lihim na kanyang natuklasan –isang sikretong magdudulot pala ng dilema sa
pagsasama nilang mag-asawa.
Ang pag-iibigang ito ay
nagsimula sa isang liblib na nayon sa katimugang Zamboanga, kung saan si Jose
Rizal ay ipinatapon ng mga kolonista ng Espanya noong 1892. Si Rizal ay hindi
lamang nakilala bilang isang repormista; siya ay isa ding kilalang optalmolohista,
guro at doktor na nagpatuloy sa pagsasagawa ng gamot sa napakalayong lugar na
ito. Nabuhay siya ng payak, puno ng pakikipagsapalaran ngunit produktibong pamumuhay
na nagpalago hindi lamang sa kanyang buhay, ngunit maging sa buhay ng maraming
tao lalo na sa mga kabataan.
Hanggang sa isang
araw ay may isang estranghera ang dumating sa bayan ng Dapitan. Hindi naitago
ni Rizal ang kanyang labis na paghanga sa dalaga, tila ba siya ay nabiktima ng
damdaming kung tawagin ay pag-ibig sa unang tingin. Sa kanyang maamong mukha, nangungusap na
mga mata, at eleganteng pananamit ay napukaw ni Josephine Bracken ang sawing
puso ni Rizal. Lumipas ang panahon, namuhay sila bilang mag-asawa at hindi
nagtagal ay nagbunga ang pagsasamang ito sa pagdadalang-tao ni Bracken.
Kasalanan man para sa
karamihan, kailanman hindi naging suliranin para sa kanila ang magsama sa
iisang bubong bagamat hindi pa kasal sa mga panahong iyon. Ito ay sa kadahilanang si Rizal ay isang Mason at si
Josephine ay isang Romano Katoliko, hindi ibinigay ang dispensasyon na dapat
manggaling sa Obispo ng Cebu, kaya’t walang ibang alternatibong paraan kung
hindi ang pagpasok sa isang pangkaraniwang batas na kasal na isinasagawa sa
pagkakaroon ng dalawang saksi. Pinatunayan ng dalawa ang kanilang wagas na
pagmamahalan sapagkat wala mang pahintulot ng Kura-paroko sa Dapitan, wala pa ring nakapigil sa kanila
upang isakatuparan ang kanilang pagsasaisang-dibdib.
Gayunman, ang matamis
na pag-iibigang ito ay hindi rin pala magtatagal sa pagkakadiskubreng si
Josephine Bracken ay isa lamang espiya na ipinadala ng mga prayle. Nagdilim ang
paningin ni Rizal sa kagimbal-gimbal na katotohanang natuklasan, hanggang sa
nabalot ng galit at hindi napigilang usisain ang kanyang minamahal. Dahil sa labis
na poot ay hindi naiwasan ni Rizal ang masaktan si Bracken na siya pa lang magdudulot
sa isang pangyayaring higit na ikalulumbay ng damdamin ng pambansang bayani.
Nakunan ang dinadalang sanggol ni Josephine, na noon ay malapit na sanang isilang.
Ang nakagugulantang na kaganapang ito ang siya ding nagdulot ng lamat sa
kanilang pagmamahalan, na kung tutuusin ay mahirap ng ibalik sa dati.
Gayunpaman, salungat
sa binanggit sa itaas, may ibang sangguniang tumatalakay sa dahilan ng
pagkalaglag ng dindalang-tao ni Josephine. Sinasabing noong siya ay nasa
ika-walong buwan ng pagbubuntis, si Rizal ay naglaro ng isang kalokohan na
siyang nagdulot sa kanya upang bumagsak sa isang bakal na salansanan, at naging
dahilan kung bakit nakunan ang sanggol sa sinapupunan ng pinakamamahal ng hindi
sinasadya.
Ipinakita sa
pelikulang ito na ano man ang tunay na rason sa likod ng pagkawala ng sana’y
magiging anak ni Rizal, isa pa rin itong madilim na bahagi sa buhay ng ating
pambansang bayani. Nais nitong iparating sa atin na si Jose Rizal, sa kabila ng
katanyagang nakamit, ay isa pa ring normal na tao gaya natin; nasasaktan at
nahihirapan. Wala siyang ibang hinangad kung hindi ang kapakanan ng ating bayan
at ng mga mamamayan nito, nakalulungkot lamang isipin na sa mga panahon pa lang
iyon ay nangangailangan din siya ng pagkalinga gaya ng ibinigay niya para sa
ating bansa. Ngunit sa kabila nito, tulad ng isang ama nanatili siyang matatag at
nanindigan para sa katotohanan at para sa mga karapatan na nararapat para sa
Pilipinas.
Reference
Bethge, W. (2007). Josephina Bracken – Her bonds of love with Jose Rizal. Retrieved October 6, 2019, from https://www.insights-philippines.de/brackenengl.htm.
Comments
Post a Comment