Retraksiyon Ni Rizal: Katotohanan o Kasinungalingan?
Ang sinasabing Retraktasyon ni Rizal (Courtesy of Ambeth R. Ocampo) 2016 |
Mistulang isa pa ring
sariwang kontrobersiya at nananatiling mainit na debate hanggang ngayon ang
sinasabing pagbabalik-loob ni Dr. Jose Rizal sa Simbahang Katolika. Samu’t
saring kuru-kuro ang nagsulputan ukol sa di umano’y kanyang retraksiyon, kaya
kahit isang siglo na ang lumipas ay wala pa ring kalinawan sa isyu, na siya
ding nag-udyok upang magkaroon ng partisyon sa dalawang magkasalungat na panig:
mga tagapagtanggol ng Romanong Katoliko na inaangkin na totoo ito, at mga
kontra-retraksiyong iginigiit na pawang panlilinlang lamang ito ng mga prayle
para mapanatili ang kanilang integridad.
Lahat ng ito ay
nagsimula kinaumagahan pagkatapos ng pagbitay kay Jose Rizal sa Bagumbayan,
naitala ng mga pahayagan ng Maynila at Madrid ang mga kaganapan, at inihayag na
sa bisperas ng kanyang kamatayan ay nagawa pang iatras ni Rizal ang kanyang mga
kamalian sa relihiyon, tinalikuran ang pagiging mason, at sa mga huling oras ng
kanyang buhay ay nagpakasal kay Josephine Bracken.
Samantala, batay sa testimonya ni Father Manuel Garcia, C.M, isang
sulat umano ang kanyang natagpuan noong
1935, taglay ng sulat ang lagda ni Rizal sa isang dokumentong nagsasabing siya
daw ay isang Katoliko Romano at binabawi niya
lahat ng kanyang mga akda na kumakalaban sa iglesia. Ang liham, na may petsang Disyembre 29, 1896,
ay sinasabing nilagdaan mismo ng Pambansang Bayani.
Ayon
sa pari, nakalimbag sa liham ang pahayag na ito: “I declare myself a Catholic and in this religion in which I was born and educated I wish to live and die.
I retract with all my heart whatever in my words, writings, publications and
conduct has been contrary to my character as son of the Catholic Church.”
Mahihinuha
mula sa mga impormasyong ito na maaaring tunay na may pirmahang naganap,
sapagkat nangibabaw pa rin ang pagmamahal ni Rizal kay Josephine. Batid ni
Rizal na nag-iisa lamang ang paraan upang silang dalawa ay maikasal, at ito ay
ang kanyang pagbabalik-loob sa Simbahang Katoliko. Malaki ang posibilidad na
ganito nga ang nangyari dahil, noon pa man ay ito na ang hinihiling ng mga
Kastila mula kay Rizal.
Gayunman,
patuloy pa rin ang mga pagdududa sa kabila ng pagkakatagpo sa sinasabing
retraksiyon. Batay sa mga pananaliksik isang nagngangalang Federico Moreno ang
nagtapat na may isang ahente ng Cuerpo de
Vigilancia (mga Kastilang espiya) na na noon ay isang bantay sa piitan ni
Rizal ang nagkuwentong sumulat nga talaga ang bayani ng isang dokumento
na narinig niyang ang retraktasyon. Sa pahayag ni Moreno, natuklasang may
dalawang Heswitang pari ang pumasok daw sa selda ni Rizal, na kinilalang sina Padre
Jose Vilaclara at Padre Estanislao March, idinagdag din nitong dalawang tao din
sumunod na pumasok –sina Juan del Fresno at Eloy Moure.
Ang nakapagtatako dito, ayon sa testimonya ng
Heswitang pari na si Padre Vicente Balaguer, na sinasabing natatanging saksi sa
tunay na pangyayari, kitang-kita daw nito ang pagtanggap ni Rizal ng isang maikling
dokumento ng retraksiyon na inihanda pa ng superyor ng Samahan ng Heswita sa
Pilipinas, na si Padre Pio Pi. Ngunit, walang lumilitaw na Padre Balaguer sa
talaan ng mga pumasok sa piitan ni Rizal na ginawa ni Moreno noong gabi mismong
iyon. Sa madaling salita, maaaring kinuntsaba lamang ni Padre Balaguer sina Padre
Jose Vilaclara at Padre Estanislao upang pagtibayin ang kanyang salaysay at
patotohanin ang retraksiyon ng bayani.
Kung susuriin, wala
akong nakikitang rason para magsinungaling si Moreno at ang guwardiya.
Gayunpaman, hanggang ngayon ang kontrobersiyang ito ay patuloy na magliliyab,
hangga’t walang sapat na katibayan manantili itong debate sa nakararami. Nasa
atin na lamang kung ano ang ating paniniwalaan.
Para sa marami, higit
na naging dakila si Dr. Jose Rizal dahil sa pagtanggap ng kanyang mga kamalian
laban sa pananampalataya ng mga Kastila. Ngunit para naman sa iba, kung tunay
man ang retraksiyon, mahirap tanggapin na sa mga huling sandali ng kanyang
buhay ay babawiin niya ang kanyang mga isinulat. Tila naglaho ang paninindigan
ng Pambansang Bayani dito, sapagkat taliwas sa napag-aralan, tanyag si Rizal
bilang isang repormista na pilit isinisiwalat ang sa tingin niya ay hindi tama
at hindi makatarungan. Kaya’t hindi kapanipaniwala ang kanyang naging desisyon dahil
para sa marami ang pagbawi sa kanyang mga akda ay walang kaibahan sa pagtapon sa
kanyang kabayanihan.
Iba-iba ang pananaw
nating mga Pilipino, ngunit kung titignan sa malawakang perspektibo, para sa
akin ang retraksiyon ay wala ng kabuluhan pa. Sapagkat, wala namang magbabago kung
mapatotohanan man ito, si Rizal ay manantiling bayani at walang anumang
dokumento ang makapagpapababa sa kabayanihan niya. Kung
siya man ay umatras o hindi, dapat nating siyasatin kung siya ba talaga ang
tumalikod. Kung hindi, nangangahulugan lamang na ang mga dokumento ay pawang
huwad lamang, kung gayon kailangang magbayad ang mga taong sinubukang linlangin
ang ating bansa.
Mga Sanggunian:
T. Santos (2011) –Rizal’s Retraction: Truth vs. Myth
P. Uckung (2012) -The
Rizal Retraction and other cases
Y. Makabenta (2018) –Rizal remains a living and
burning issue among us
Comments
Post a Comment