Dir Rizal: Isang Liham Para sa Bayani
Sumulat ako sayo, dahil sa tatlong mahahalagang dahilan.
Una, gusto ko sanang humingi ng pasensya kung minsan ay nakalilimutan kita, pero
gusto kong malaman mo na kailanman hindi mabubura sa isipan ko ang mga
kabayanihang ginawa mo para sa bayan natin. Pangalawa, gusto kitang pasalamatan
sa mga sakripisyong ginawa mo, kung hindi siguro dahil sayo baka nandoon ako sa
kamay ng mga banyaga -nagpapaalipin sa kanila. Panghuli, may mga katanungan
lang ako sayo na gusto kong bigyang-linaw mo. Gulong-gulo na rin kasi ako. Sa
dami ng mga kuro-kuro at mga kuwento-kuwento na naglipana, hindi ko na alam
kung ano at sino ang paniniwalaan ko.
Alam mo ba? Sikat na sikat ka na
dito. Sa klase nga namin, lagi na lang ikaw ang paksa. Kulang na lang, sa
pagpasok ng aking guro sa silid-aralan at bago pa man niya buksan ang kanyang
bibig, nais kong sabihin sa kanya ang mga linyang ito: Batid ko ang nasa loob ng
kokote mo, Sir. Jose Rizal... siya na naman?!
Ngunit, sa bawat aralin na lamang
na ikaw ang parating pinag-uusapan, samu’t saring impormasyon ang nakuha ko. At
napakadaming bagay ang pumukaw sa akin at nais ko sanang bigyan mo ng
kompirmasyon. Hayaan mong isa-isahin ko ang mga ito para sa iyo.
Tanda mo pa ba ang ‘Mikasa’? Sabi nila ito daw ang sana’y magiging ikatlo mong
nobela na tumatalakay sa mga ordinaryong tao. Kung ang Noli at El Fili ay
halimbawa ng epiko, siguro ang Makamisa ay isang kwentong-bayan. Sinasaklaw
kasi nito ang mga kaganapan sa buhay ng ordinaryong Pilipino na umiikot lamang
sa iisang bayan. Tunay na nakakapanghinayang na hindi mo natapos ang nobelang ito. Mahirap sabihin
ang magiging katapusan ng sulating ito sapagkat ito ay napakaikli lamang.
Sayang nga at hindi ko malalaman ang dahilan kung bakit ganoon ang kinikilos ni
Padre Agaton at kung bakit niya sinampal si Aling Anday.
Nakakainggit ka naman. Bata ka pa
lang daw ay lumilitaw na ang pagiging henyo mo. Sa murang edad ay isa ka ng
mahusay na eskultor. Sa katunayan, sinasabi nilang umukit ka daw ng isang siyam
na pulgadang estatwa ng Sacred Heart sa
pamamagitan ng batikuling kahoy noong ikaw ay 14 taong gulang lamang. Dagdag pa
nila, dinala ng mga paring hesuwita ang estatwa na ito sa Fort Santiago nang
dumalaw sila sayo noong Disyembre 1896. Bukod sa mga eskultura ng kahoy, inukit
mo din daw ang 40 kamangha-manghang mga obra maestra gamit ang plaster,
terra-cotta, waks, at luad.
Balita ko rin may anak ka na, si Francisco?
Nakalulungkot lamang isipin na hindi niyo siya nakasama ng matagal. Siguro
nakatakda ding mangyari yon, sapagkat mas mahirap para sa bata ang lumaki ng
walang ama. Batid mo ba na napakaraming lumalabas na isyu sa pagkawala ng sana’y
magiging anak niyo ni Bracken? Ngunit, ano man ang dahilan alam kong isa pa rin itong madilim na bahagi sa
buhay mo. Tao ka lang, nagkakamali’t nasasaktan. Ang mahalaga, kahit nasa
piitan ka ay naranasan mo kahit papaano ang sumaya sa loob ng mga bilang na
araw na iyon.
Pasensya
na Rizal, kung minsan nakakalimutan kita. Paumanhin kung minsan pinagsasawaan
kita. Nais ko lang talaga sanang malaman ang rason sa likod ng lahat ng ito.
Sagutin mo sana ang mga katanungan ko.
Maraming
salamat.
Comments
Post a Comment